Bagamat sa nagdaang panahon ay nasanay sa salitang may ikaw at may ako, kailan nga ba makakatakas sa sukdulan ng ikaw at ako?
Kung tatanungin kung ano ang bitbit ng pagod na likod baka masabi ko pa na ako’y kuba na sa bakod ng kasarinlan. Kung saan minsan, may ikaw ngunit walang ako. Kung saan sa panandalian, may ako ngunit walang ikaw.
Kung isisigaw man maaari bang balikan? Ang umaalipuyong ikaw na kasama ng ako. Dahil sa bawat pyesang likha, sulat, at lathala laging may kaakibat na ikaw.
Ang bawat pyesang hindi buo kung walang ikaw. Bawat lirikong taglay na walang saysay kung walang ikaw. Nakakakaba, Nakakabaliw. Tumalon, lumundag, sa nakaraang nakasanayan.
Ikaw ay Ako, Ako ay Ikaw.
Ang bawat bahagi ng buhay ko ay hindi kumpleto kung wala ka. Parang bawat hakbang ko, bawat desisyon, laging may marka ng presensya mo. Kung saan may ikaw, may direksyon ang bawat galaw.
Naalala ko noong gabing umuwi ako, galit si Ina, at parang gusto nang sumabog sa galit. Tumakbo ako sa labas, umiiyak, kahit alam kong kasalanan ko naman talaga. Ikaw ang lumapit, pinatahan ako, at binigyan ng payo. Parang guro kang nagbigay ng gabay sa oras ng kagipitan.
Noong aalis ako patungong Antipolo, hindi mo pinalampas ang pagkakataon. Hinablot mo ang bagahe ko at sinuri ang laman nito. Parang pulis ka na iniinspeksyon ang dala ko para siguraduhing tama ang lahat, para sa aking kaligtasan.
Bumisita tayo kay Lolo, masaya ako, tumakbo nang mabilis, at nadapa. Agad kang tumakbo para tulungan akong bumangon. Parang doktor kang nag-alala sa mga sugat ko, kahit galit ka dahil hindi ako nag-ingat.
Sa ilog, muntik na akong malunod, pero ikaw ang sumagip. Para kang bayani, napakabilis mong kumilos. Tinawag pa kitang shokoy dahil parang isa kang bihasang manlalangoy, palaging handang iligtas ako.
Ngayon, ako ay isang guro, nagsasalita sa harap ng mga batang mata na puno ng pag-asa at kagustuhang matuto. Tinatanong nila ako kung bakit ko alam ang lahat ng ito, at palagi kong isinasagot, "Dahil sa kanya." Itinuturo ko sa kanila ang mga aral na iniwan mo sa akin—ang mga payo mo tungkol sa disiplina, pagkakaroon ng malasakit, at pagkakaroon ng layunin. Bawat salita na lumalabas sa bibig ko ay parang bumabalik sa mga panahong tinuturuan mo ako ng mga simpleng bagay na noon ay hindi ko lubos na naintindihan.
Sa gabi, ako'y nagiging pulis. Nakataas ang aking noo habang tinitingnan ang mga kalye, nagbabantay sa katahimikan ng gabi at sa seguridad ng mga taong mahalaga sa akin. Hindi ko kailanman inisip na magiging ganito ang buhay ko, pero ngayon, nauunawaan ko kung bakit mo ginawa ang lahat ng iyon—kung bakit mo sinisiguro na ang aming mundo ay nananatiling ligtas. Hindi ko alintana ang panganib; ako ay handang harapin ang anumang pagsubok, tulad ng ginawa mo noon para protektahan kami.
At kung sakali mang may nasaktan, alam ko rin kung paano gamutin ang sugat, dahil natutunan ko sa 'yo ang pagiging doktor. Hindi lamang pisikal na sugat, kundi pati na rin ang mga sakit na hindi nakikita—ang mga sugat ng puso, ang mga takot at pangamba na pinipilit takpan ng mga ngiti. Ginamot mo ako noon, kahit hindi ko alam kung gaano kalalim ang mga sugat ko, at ngayon, ako ang gagawa ng ganoon para sa iba.
Ngunit higit sa lahat, natutunan ko kung paano maging malakas. Ako ang manlalangoy na kayang humarap sa mga alon ng buhay. Noon, hinila mo ako mula sa mga alon, iniligtas mo ako mula sa mga bagay na hindi ko kayang kontrolin. Ngayon, natutunan ko na lumangoy nang mag-isa—na kahit gaano kalakas ang agos, kayang-kaya kong makaligtas.
Ikaw ang naging gabay ko sa lahat ng ito. Bawat hakbang mo ay nagsilbing ilaw sa landas ko, at ngayon, dala ko ang ilaw na iyon sa lahat ng aking ginagawa. Kung wala ka, hindi ko mararating ang puntong ito. Ang lahat ng nasa akin ngayon—ang tibay ng loob, ang tapang, ang pagnanais na maglingkod—ay mula sa 'yo.
At ngayong wala ka na, ako na ang magiging ikaw. Ako na ang magsasakripisyo, ako ang magpoprotekta sa mga mahal ko at sa mga nangangailangan. Ako na ang magbibigay ng pag-asa sa mga nawawalan ng landas, magpapakita ng lakas sa mga natatakot, at aahon mula sa bawat pagsubok.
Ang lahat ng ito ay natutunan ko mula sa 'yo, at sa puso ko, dala ko ang iyong alaala, isang gabay na hindi kailanman mawawala.
Dahil ang ikaw ay nakaukit at bawat parte ng ako. Ikaw ay ako.
Sa kasalukuyan, malinaw pa rin sa aking isipan ang mga pangyayaring humubog sa akin—mga pangyayaring kung hindi naganap, hindi ko alam kung magiging ganito ang hinaharap. Laging bumabalik ang mga tanong: Paano kung walang ikaw? Paano kung walang mga bahagi ng pagkatao ko na nahubog dahil sa mga karanasan natin? Kung walang mga gabay, mga yakap, at mga pangaral mo, magiging ganito pa rin kaya ako?
Hindi lamang ikaw ang bumuo sa akin, kundi pati na rin ang mga taong dumaan sa aking buhay. Ang mga aral, hirap, saya, at sakit—lahat sila’y mga bahagi ng pagkatao ko ngayon. Sa bawat tao, sa bawat sandali ng aking nakaraan, may iniwang marka na naging dahilan kung bakit ako narito ngayon, tumatayo sa harap ninyo, nagsasalita ng ganito.
Sa iyong sinag na tila kayumanggi, ako'y naging isang pugante—tumatakas sa katotohanan noon, ngunit hindi natatakot harapin ito ngayon. Sa bawat galaw mo, sa bawat haplos at yakap na iyong ibinigay, na parang binabaon ako sa isang panaginip, pinaalala mo sa akin ang pangarap. Paano kung wala ang lahat ng iyon? Siguro’y wala rin ang ‘ako’ na ito—ang ako na handang harapin ang hamon ng buhay.
Ngayon, sa aking pag-iisa, madalas kong iniisip ang bawat sandali. Bawat segundo na lumipas—mga minutong minsan ay tila walang halaga, pero ngayon, napagtatanto ko, sila ang naghubog sa akin. Ang bawat oras, araw, linggo, buwan, at taon, lahat sila ay nagdala ng pagbabago. Sa bawat pagbabagong iyon, iniwanan ako ng mga aral na hindi ko malilimutan.
Hindi ko malilimutan ang parte ng aking nakaraan—ang mga tao, ang mga karanasan, ang mga aral—dahil kung hindi dahil sa kanila, hindi ako magiging isang tulad ko ngayon. Ang bawat sakit, saya, at pag-ibig na natutunan ko, ang lahat ng iyon ay naging dahilan ng aking paglago. Kaya sa inyong harap ngayon, ipinagmamalaki ko na ang ako ngayon ay resulta ng lahat ng pinagsama-samang bahagi ng aking nakaraan.
Kaya sa iyong pakikinig, pagbabasa, at pagbibigay ng atensyon, nais kong ipaabot na ang talumpating ito ay hindi upang pilitin ka o itulak sa isang direksyon, kundi upang maging gabay. Sapagkat ang bawat karanasan, bawat pangyayari, at bawat tao sa ating buhay ay nagiging bahagi ng pagbuo ng ating pagkatao. Lahat ng ito ay may dahilan, may kahulugan, at nag-aambag sa kung sino tayo ngayon at kung sino tayo sa hinaharap.
Samakatuwid, lahat ng ito—ang mga alaala, mga aral, at mga karanasan—ay marapat na dalhin natin sa ating paglalakbay patungo sa hinaharap. Ang mga salitang aking binibigkas ngayon ay sumasalamin sa mga aral na humubog sa akin. Dahil sa iyo, dahil sa mga taong dumaan sa buhay ko, ang aking landas ay may direksyon. Hindi na ako naliligaw, dahil sa bawat hakbang na aking ginagawa, dala ko ang mga aral at pagmamahal na iniwan mo.
Ikaw, hindi lamang bilang isang tao, kundi bilang bawat estrangherong nagbigay sa akin ng patutunguhan, ay mananatiling bahagi ng aking paglalakbay. Ikaw ang sagot sa bawat bakit, saan, at ano ng aking buhay. At sigurado ako na ang misteryo ng buhay, ang mga katanungang patuloy na bumabalot sa ating pagkatao, ay hahantong sa isang sirkulo ng katotohanan—isang siklong magdadala sa atin sa tunay na kahulugan ng buhay.
Dahil sa iyo, sa inyong lahat, natagpuan ko ang aking daan. At sa bawat hakbang ko mula ngayon, dala ko ang inyong mga alaala, bilang gabay at ilaw sa landas ko.
At sa huli, ako ang pugante sa laylayan—ang nilalang na minsang naligaw, ngunit ngayon ay inahon sa katotohanan. Ako, na tinuruan mong lumaban, harapin ang buhay, at yakapin ang realidad, ay nagbago. Ako ay Ikaw.